Mga Ama, Mga Anak
Tila isang panonood ng palabas sa sinehan sa tatlong dimensyon ang panonood ng pagtatanghal ng "Mga Ama, Mga Anak." Nang manood ako kasama ng aking mga kaibigan, naupo kami sa puwestong malapit sa entablado. Dahil dito ay mas nakita at naunawaan namin ang bawat galaw, bawat tinig ng mga artista.
Ang galaw ng oras ay hindi ko namalayan sapagkat nadala ng palabas ang aking isipan. Ang daloy ng kwento ay hindi nakaaantok sapagkat kasabay ng iyakan at malulungkot na eksena ay isinama nila ang pagpapatawa sa mga manonood. Hindi maikakaila na ang mga sinabing mga linya ay maihahambing sa tunay na buhay ng mga manonood. Lahat tayo ay may ama at dahil sa palabas ay naisip ko kung gaano ako kapalad na magkaron ng isang ama na tinuturing akong mabuti. Ang unang anak ay nagtanim ng galit sa kaniyang ama sapagkat matinding hagupit ang kaniyang dinanas noong siya ay bata pa. Kinamumuhian niya ang kaniyang ama dahil sa pagkatao nito. Hindi niya namalayan na ang lupit at paghihiganti na ikingalit niya sa kaniyang ama ay nakuha niya at naipamalas niya sa kaniyang sariling anak. Sa huli ay nilisan na ng kaniyang ama ang mundo nang hindi man lamang siya nakahihingi ng paumanhin sa kaniyang pagiging suwail.
Ang boses ng mga aktor ang nagdala sa palabas para sa akin. Ang malakas nilang tinig ang nagdala ng buhay sa kanilang mga galaw at emosyon sa kanilang mga linya. Mas naramdaman ko ang lungkot na ipinarating ng kuwento sa huling bahagi dahil sa kanilang pananalita.
Sa kabuuan ay ikinatuwa ko ang panonood ng pagtatanghal. Di lamang ang kuwento ang maganda kundi pati na rin ang pagganap ng mga aktor at aktres. Ipabilang na rin natin ang entabladong inihanda para sa mga manonood. Hindi ako nabigo sa aking binayaran sapagkat nakapagdala ang palabas ng aral sa aking buhay na ako ang humuhubog sa aking sarili at hindi kailanman maisisisi sa aking mga kamag-anak.