Tuesday, April 1, 2014

Journal Entry No 4

Novels: 
Lumbay ng Dila ni Genevieve Asenjo
The Brief and Wondrous Life of Oscar Wao by Junot Diaz


Pananaw

Sa ilang pagkakataon, ang pagbabasa ay tulad ng pagtatanim at paghihintay ng ani. Maaaring sa una ay mahirapan ka na hindi mo alam kung saan patungo ang iyong ginagawa at kung ikaw ba ay mapapala. Madalas ay nakapapagod. Dahil dito ay patigil-tigil tayo. Ngunit sa dulo ng ating paghihintay ay may mapupulot tayong aral o kahalagahan sa ating buhay na magsisilbing inspirasyon upang ipagpatuloy ang ating ginagawa. Kailangan lamang ay tamang tiyaga at inspirasyon upang matapos ang pagtatanim at paghihintay. Ganito ang aking naranasan ng binasa ko ang dalawang nobela: ang Lumbay ng Dila at ang The Brief and Wondrous Life of Oscar Wao. 


Lumbay ng Dila ni Genevieve Asenjo

Unahin natin ang Lumbay ng Dila ni Genevieve Asenjo.  Marami ang nagsabi na ang libro ay kakaibang kagandahan, na isa itong pambihirang libro. Isa ito sa dahilan kung bakit ko ito pinili. Nais kong malaman kung ano ang mayroon sa libro na magpapaiba ng takbo ng buhay ko. Bihira lamang akong magbasa ng libro kaya para sa akin ay mahirap ang magbasa ng nobela kung hindi bakasyon. Ito ang dahilan bakit ako nahirapan sa pagbabasa nito. Noong una ay palagi akong tinatamad hangang sa naramdaman ko na nakatutuwa nang basahin ang akda. Ang istorya ay tila pinaghalong epekto ng nakaraan at kasalukuyan sa buhay ng bida, si Sadyah Zapanta Lopez. Ang pagnais niya na malaman ang mga tunay na pangyayari sa kaniyang pamilya ang naging daan upang mahanap niya ang kaniyang buhay pag-ibig. Sa kabila nito, ang pinakanais kong aspeto ay ang napansin ko na iba't ibang paraan kung papaano nahanap ni Sadyah ang mga lalaki sa kaniyang buhay. Si Stephen ay nakilala niya online. Si Ishmael ay nakilala niya dahil sa trabaho noong siya ay isinama ng kaniyang katrabaho sa isang seminar. At si Priya ay nakilala niya sa hindi inaasahang pagkakataon. Naihahambing ko ito sa aking buhay pag-ibig at sa maaari ko pang maranasan. Marami akong nakikilala online at ang buhay pag-ibig ko ay naglalaro sa aking buhay eskwelahan. Ngunit nang dahil sa istorya ni Sadyah, mas naunawaan ko na walang bagay na permanente sa mundo. Tulad na lamang ng mga relasyon, hindi ito palaging magtatagal. Maaaring balang araw ay darating ang mga taong tunay na para sa atin sa hindi inaasahang pagkakataon.



The Brief and Wondrous Life 
of Oscar Wao
by Junot Diaz
Ang ikalawang nobela naman, The Brief and Wondrous Life of Oscar Wao ni Junot Diaz, ay tungkol sa pamilya ni Oscar de Leon. Naging mahirap ang pagbabasa sapagkat hindi ko ito maagang nasimulan. Tinapos ko lamang ang libro sa loob ng isang araw ngunit sa kabila nito ay nakapag-iwan ito ng marka sa aking puso't isipan. Ang nobela ay pinaghalong history at romance para sa akin. Mahihinuha natin ang pamumuhay ng mga tao noon sa Dominican Republic sa panahon ng diktadorya. Kontrolado ng gobyerno ang halos lahat ng aspeto ng lipunan. Sa totoong buhay naman ay makikita natin ang korapsyon sa ating gobyerno dito sa ating bansa. Isa rin sa gusto kong ipinakita ng nobela ay ang pagpapakita ng emosyon ng mga tauhan. Ang paborito ko namang parte ay noong nagtangkang magpakamatay si Oscar dahil nabigo siya kay Jenni. Kahit na nakita niya ang Golden Mongoose ay hindi niya itinigil ang pagtatangka sa sarili niyang buhay. Ito na lamang ang nasabi ni Yunior:


" Dude had been waiting his whole life for something just like this to happen to him, had always wanted to live in a world of magic and mystery, but instead of taking note of the vision and changing his ways the fuck just shook his swollen head."


Ipinakita sa parteng ito na tayong mga tao ay madaling kinakain ng ating mga emosyon. Tayo ay madaling nakapagdedesisyon kapag tayo ay galit o malungkot kahit na hindi natin pinag-isipang maigi ang ating mga ginagawa. Sa sitwasyon ni Oscar, nagpakita na sa kaniya ang itinuturing na tila Anghel de la Guardia ng kaniyang pamilya na nangangahulugan na hindi pa tapos ang kaniyang buhay at may maganda pang mangyayari. Ngunit kahit na nagpakita ito, ay nagdesisyon siyang tumalon. Sa ating mundo, kailangan ay maging bukas tayo sa lahat ng oportunidad na ating makakaharap. Ito ang magiging daan upang mas madali natin makontrol ang ating emosyon at maging gabay natin tungo sa kaligayahan. Dapat tayong maging positibo at tumingin sa mabubuting mga bagay na maaari pang mangyari sa atin.

Sa kabuuan, nagustuhan ko ang dalawang nobela sapagkat hindi lamang sila nagpapakita ng relasyon sa ating tunay na buhay, lalo na sa buhay pag-ibig, kundi nagpapakita rin sila ng aral sa atin sa kung paano natin isasabuhay ang mga ito at kung paano tayo mas magiging mabuting mamamayan. 

Jose Corazon de Jesus

Jose Corazon de Jesus
Pinanganak siya bilang si Jose Cecilio Ramon Augusto Pangilinan de Jesus noong Nobyembre 22, 1894.
Pinakakilala siya bilang si Huseng Batute.
Ang iba pa niyang mga alyas ay: Huseng Katuwa, Anastacio Salagubang, Sundalong Lasing, Pepito Matimtiman, Viterbi, Ilaw, Paruparong Asul, Bayaning may Sugat
Noong 17 taong gulang siya, naisulat niya ang kaniyang unang tula, Pangungulila.
Nagsimula siyang magsulat sa Buhay Maynila noong 1920 kung saan nakagawa siya ng higit sa 4000 na mga tula at mga akda.
Ang pinakakilala niyang akda ay ang Bayan Ko na nagsisimbolo ng kaniyang pagiging makabayan sa panahon ng Amerikano.

Itanong Mo Sa Bituin

Isang gabi ay manungaw ka. Sa bunton ng panganorin
ay tanawin ang ulila't naglalamay na bituin;
sa bituin ay itanong mo ang ngalan ng aking giliw
at kung siya'y magtatapat, ngalan mo ang sasabihin.

Ang bitui'y kapatid mo. Kung siya ma'y nasa langit
ikaw'y ditong nasa lupa't bituin ka ng pag-ibig;
dahil diya'y itanong mo sa bituin mong kapatid,
kundi ikaw ang dalagang minamahal ko ng labis.

Itanong mo sa bitui't bituin ang nakakita,
nang ako ay umagahin sa piling ng mga dusa;
minagdamag ang palad ko sa pagtawag ng Amada,
ngunit ikaw na tinawag, lumayo na't nagtago pa.


Sources:

  • http://www.himig.com.ph/features/15-jose
  • http://tagaloglang.com/Philippine-Literature/Filipino-Poets/jose-corazon-de-jesus.html
  • http://tagaloglang.com/Philippine-Literature/Tagalog-Poems/itanong-mo-sa-bituin.html

Sunday, March 9, 2014

Journal Entry No 3

Mga Ama, Mga Anak

Tila isang panonood ng palabas sa sinehan sa tatlong dimensyon ang panonood ng pagtatanghal ng "Mga Ama, Mga Anak." Nang manood ako kasama ng aking mga kaibigan, naupo kami sa puwestong malapit sa entablado. Dahil dito ay mas nakita at naunawaan namin ang bawat galaw, bawat tinig ng mga artista. 

Ang galaw ng oras ay hindi ko namalayan sapagkat nadala ng palabas ang aking isipan. Ang daloy ng kwento ay hindi nakaaantok sapagkat kasabay ng iyakan at malulungkot na eksena ay isinama nila ang pagpapatawa sa mga manonood. Hindi maikakaila na ang mga sinabing mga linya ay maihahambing sa tunay na buhay ng mga manonood. Lahat tayo ay may ama at dahil sa palabas ay naisip ko kung gaano ako kapalad na magkaron ng isang ama na tinuturing akong mabuti. Ang unang anak ay nagtanim ng galit sa kaniyang ama sapagkat matinding hagupit ang kaniyang dinanas noong siya ay bata pa. Kinamumuhian niya ang kaniyang ama dahil sa pagkatao nito. Hindi niya namalayan na ang lupit at paghihiganti na ikingalit niya sa kaniyang ama ay nakuha niya at naipamalas niya sa kaniyang sariling anak. Sa huli ay nilisan na ng kaniyang ama ang mundo nang hindi man lamang siya nakahihingi ng paumanhin sa kaniyang pagiging suwail. 

Ang boses ng mga aktor ang nagdala sa palabas para sa akin. Ang malakas nilang tinig ang nagdala ng buhay sa kanilang mga galaw at emosyon sa kanilang mga linya. Mas naramdaman ko ang lungkot na ipinarating ng kuwento sa huling bahagi dahil sa kanilang pananalita. 

Sa kabuuan ay ikinatuwa ko ang panonood ng pagtatanghal. Di lamang ang kuwento ang maganda kundi pati na rin ang pagganap ng mga aktor at aktres. Ipabilang na rin natin ang entabladong inihanda para sa mga manonood. Hindi ako nabigo sa aking binayaran sapagkat nakapagdala ang palabas ng aral sa aking buhay na ako ang humuhubog sa aking sarili at hindi kailanman maisisisi sa aking mga kamag-anak.

Wednesday, February 19, 2014

Bugtong at Tanaga

Tanaga

Kahoy sa tubig babad
Laman man ay di payak
‘Pag sa apoy nalapat
Madadarang na tiyak
Hagdang napakataas
Hindi sapat pampantas
‘Pagkat ikaw ay langit
Kailanma’y di maakit
Lahat man ay ialay
Bituin man ay sungkitin
Mundo ko’y walang kulay
Sapagkat di mo pansin
Suplutang walang laman
Dugo’t pawis nilaan
Di ka man magparamdam
Batid ay walang hanggan
Mapanuksong mga laman
Lingid sa kaalaman
Pag-ibig ay di ganap
Sa pusong mapagpanggap
Nagbuhat pang Espanya
Kagandahan at sigla
Sa sulyap ng ‘yong mata
Ligaya’y natamasa

Bugtong

Buhul-buhol man mundo ni Nena at Kulas
Magkaparis pa rin hangang sa wakas
(earphones)

Hanay ng mapuputi at maiitim
Iba’t ibang boses, iisang hangarin
(piano)

Maskara ni Subas
Dumudulas-dulas
Kapag inilabas ang ulo
May mundo ng numero
(Calculator)

Paikutin si Thomas
Ibang mundo’y ipapamalas
(door knob)

Wala mang nagmamay-ari
Kahit na sino ay hari
(inidoro)

Sa loob ay kadiliman
Dulot ay kapangyarihan
(electricity outlet)

Di man pansinin ng tao
Tanggap niya ang karumihan mo
(basurahan)



Thursday, February 6, 2014

Journal Entry No 2

"Moonrise Kingdom"

Kandungan


Mayroong iba't ibang uri ng mundo kung saan nananalagi ang ating isipan sa maikli o mahabang panahon. Bahagi ng ating buhay ang dumaan sa mundo ng ating pagkabata. Ang nasabing mundo ay higit na binubuhay ng imahinasyon at mga pangarap. Kadalasan ay inilalaan ng ilan ang kanilang panahon sa pag-iisip ng kanilang mga maaaring marating sa pagsapit ng kinabukasan. Ang kasunod na antas ng pag-iisip ay ang pananatili sa mundo ng kabataan o sa mundo ng pagiging binata at dalaga. Sa antas na ito ay naghahanap ang tao ng kaibigan at pagmamahal, na sa kadalasan ay hindi madaling matagpuan. Dito rin unang nauunawaan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng posisyon sa lipunan. Ang huli ay ang mundo ng pagkagulang kung saan nakararating sa hustong edad upang maintindihan at gumawa para tugunan ang responsibilidad sa pamilya at sa lipunan. Dito rin naghahanap ng maybahay o asawa ang isang tao. Nailarawan sa pelikulang "Moonrise Kingdom" ang tatlong baitang ng pag-iisip na mga ito.

Pinakapunto ng pelikula ang pagpapakita ng naturang pangyayari sa paglaki. Ang dalawang protagonista, si Sam at si Suzy, ay parehong may kakaibang imahinasyon tungkol sa kanilang mga nais gawin sa buhay. Ang tanging hadlang sa kanilang mga nais ay ang kapaligiran na kanilang ginagalawan. Si Sam, na isang ampon, ay lumaking walang pagmamahal na nagmula sa isang magulang. Ipinakita rin sa umpisa ng pelikula, sa bahagi kung saan nagsimula ang paghahanap sa nawalang si Sam, na hindi na nais akuin ng mga tumatayong magulang ni Sam ang responsibilidad sa bata. Sa kabilang panig naman, si Suzy ay nabubuhay sa isang pamilyang walang pagmamahal. Ang kaniyang mga magulang ay tila mga manikang ipinagsama ng titulo at hindi ng pag-ibig. Nang magkakilala ang dalawang bata, nagsimula ang kanilang pagsusulatan at ang kanilang mga plano upang kumawala mula sa kanilang pagkagapos. 


Nagsimula ang paghahanap ni Sam at ni Suzy sa isang malayang paraiso.

Mabilis na pagbabago sa pag-iisip ng tao ang inilarawan sa kaso ni Sam at Suzy. Nang sila ay nagkita ay nagsimula ang kanilang paglalakbay tungo sa kanilang ninanais na paraiso. Mula sa malawak na mundo ng imahinasyon ay nagtungo sila sa pagiging responsable at independiente. Hinanap rin nila sa isa't isa ang pag-ibig na hindi nila natagpuan sa kanilang komunidad. Ang pagtanggap sa kung sino sila at kung ano ang nais nilang maging ay kanilang natamasa sa kanilang pagsasarili. Narito na marahil ang kahulugan ng pamagat na "Moonrise Kingdom." Ang kanilang tinungo ay isang lugar o kaharian na nagsisimbolo sa kanilang pag-usbong mula sa matagal na pagkakabaon sa hindi pagtanggap ng komunidad. Hindi lamang ang kanilang pagbabago ang naganap dahil sa kanilang ginawang pagtakas, kundi pati ang biglang pagkabuhay ng pag-iisip ng mga matatanda sa pelikula. Noong una ay tila mga robot lamang na nabubuhay ang mga ito ngunit ng mawala ang dalawa, nagsimula ang kanilang pagkagising upang maging responsable sa malupit na mundo.


Ang mga matatanda na naapektuhan ng mga pangyayari sa pelikula.
Maihahalintulad sa mga ibon ang dalawang bida. Tulad ng mga ibon, hindi makalipad ang mga protagonista dahil nililimitahan sila ng kanilang mga kapasidad habang bata. Hindi pa kaya ng isang ibon na magsimulang lumipad habang batang bata pa at sa pelikula naman ay hindi sila makawala ng tuluyan dahil sa isip ng lipunan ay musmos pa lamang sila. Ang kanilang ninais ay tulad ng pagtayo, bilang mga bata, mula sa kandungan ng kanilang mga magulang. Sa huli ay naibalik sila sa kanilang mga tahanan ngunit sa pagkakataong iyon, nagagawa na nilang magkita at maging masaya dahil sa mas maluwag na pagtanggap ng kanilang mga magulang sa kanilang mga nais sa buhay.

Ang takbo ng mga kaganapan ay nakabibighani sapagkat sa una ay hindi ko inaasahan ang mga posibleng mangyari sa mga susunod na parte ng pelikula. Nagkaroon ako ng ideya na magkakasama sila tungo sa isang lugar kung saan sila malaya ngunit hindi ko inaasahan ang kanilang pagkilos matanda. Nakagugulat ang bahagi kung saan naghubad na ang babae at ang dalawa ay naghalikan at nagpahintulot sa maselan na bahagi ng isa't isa. Hindi ko ito inaasahan lalo na't noong una ay naisip kong maaaring mga bata ang manonood ng pelikula, bagkus ay nararapat ang palabas sa mga kabataan sa aking edad at mga matatanda kung saan maaari nilang balikan ang mga pangyayari sa kanilang buhay.

Personal kong nagustuhan ang istorya. Nakikita ko ang isang bahagi ng aking pagkatao kay Sam. Tulad niya, noon ay ninais ko rin maging independiente at magpunta sa iba't ibang paglalakbay kasama ang aking mga kaibigan upang makatakas sa pagkalumbay dulot ng aking kamusmusan. Nang dumaan ako sa pagkabata ay nagkaroon ako ng malawak na imahinasyon ukol sa mga nais kong gawin. Naisip ko pa dati na isasagawa ko ang aking mga nais kapag ako ay tumanda na sapagkat makakukuha na ako ng sapat ng kakayanan at talino upang isakatuparan ang mga iyon. Ang kaibahan ko lamang kay Sam ay ang pagmamahal at pagtanggap ng aking mga magulang kung sino ako at kung ano ang mga kaya kong gawin. Sa kabila ng mga maaaring mangyari sa buhay ng isang tao, tulad ng kay Sam at Suzy, sa huli ay matatamo ang at mapupuno ang mga puwang sa ating isip at damdamin ngunit minsan, tulad ng sa pelikula, ay kailangan lamang lagyan ng kaunting komplikasyon upang bigyang "spark" ang buhay.

Journal Entry No 1

1. Tondo, Manila
2. Tondo, Manila
3. Tondo, Manila
4. Home
5. Bedroom
6. Palawan
7. Manila Science High School































List down what you know about literature
- The Great Gatsby
- Iliad and Odyssey
- The Bible
- Francisco Baltazar
- Romeo and Juliet
- Jose Rizal
- Noli Me Tangere
- El Filibusterismo
- Balagtas
- Florante at Laura
- Les Miserables
- Victor Hugo
- Of Mice and Men
- To Kill a Mockingbird
- The Catcher in the Rye
- Poems
- Myths
- Prose
- Comedy
- Tragedy

Place your learning challenge in the form of a question
" How will I be able to apply the learnings I could acquire from the different forms of literature in my life?"