Lumbay ng Dila ni Genevieve Asenjo
The Brief and Wondrous Life of Oscar Wao by Junot Diaz
Pananaw
Sa ilang pagkakataon, ang pagbabasa ay tulad ng pagtatanim at paghihintay ng ani. Maaaring sa una ay mahirapan ka na hindi mo alam kung saan patungo ang iyong ginagawa at kung ikaw ba ay mapapala. Madalas ay nakapapagod. Dahil dito ay patigil-tigil tayo. Ngunit sa dulo ng ating paghihintay ay may mapupulot tayong aral o kahalagahan sa ating buhay na magsisilbing inspirasyon upang ipagpatuloy ang ating ginagawa. Kailangan lamang ay tamang tiyaga at inspirasyon upang matapos ang pagtatanim at paghihintay. Ganito ang aking naranasan ng binasa ko ang dalawang nobela: ang Lumbay ng Dila at ang The Brief and Wondrous Life of Oscar Wao.
![]() |
Lumbay ng Dila ni Genevieve Asenjo |
Unahin natin ang Lumbay ng Dila ni Genevieve Asenjo. Marami ang nagsabi na ang libro ay kakaibang kagandahan, na isa itong pambihirang libro. Isa ito sa dahilan kung bakit ko ito pinili. Nais kong malaman kung ano ang mayroon sa libro na magpapaiba ng takbo ng buhay ko. Bihira lamang akong magbasa ng libro kaya para sa akin ay mahirap ang magbasa ng nobela kung hindi bakasyon. Ito ang dahilan bakit ako nahirapan sa pagbabasa nito. Noong una ay palagi akong tinatamad hangang sa naramdaman ko na nakatutuwa nang basahin ang akda. Ang istorya ay tila pinaghalong epekto ng nakaraan at kasalukuyan sa buhay ng bida, si Sadyah Zapanta Lopez. Ang pagnais niya na malaman ang mga tunay na pangyayari sa kaniyang pamilya ang naging daan upang mahanap niya ang kaniyang buhay pag-ibig. Sa kabila nito, ang pinakanais kong aspeto ay ang napansin ko na iba't ibang paraan kung papaano nahanap ni Sadyah ang mga lalaki sa kaniyang buhay. Si Stephen ay nakilala niya online. Si Ishmael ay nakilala niya dahil sa trabaho noong siya ay isinama ng kaniyang katrabaho sa isang seminar. At si Priya ay nakilala niya sa hindi inaasahang pagkakataon. Naihahambing ko ito sa aking buhay pag-ibig at sa maaari ko pang maranasan. Marami akong nakikilala online at ang buhay pag-ibig ko ay naglalaro sa aking buhay eskwelahan. Ngunit nang dahil sa istorya ni Sadyah, mas naunawaan ko na walang bagay na permanente sa mundo. Tulad na lamang ng mga relasyon, hindi ito palaging magtatagal. Maaaring balang araw ay darating ang mga taong tunay na para sa atin sa hindi inaasahang pagkakataon.
![]() |
The Brief and Wondrous Life of Oscar Wao by Junot Diaz |
Ang ikalawang nobela naman, The Brief and Wondrous Life of Oscar Wao ni Junot Diaz, ay tungkol sa pamilya ni Oscar de Leon. Naging mahirap ang pagbabasa sapagkat hindi ko ito maagang nasimulan. Tinapos ko lamang ang libro sa loob ng isang araw ngunit sa kabila nito ay nakapag-iwan ito ng marka sa aking puso't isipan. Ang nobela ay pinaghalong history at romance para sa akin. Mahihinuha natin ang pamumuhay ng mga tao noon sa Dominican Republic sa panahon ng diktadorya. Kontrolado ng gobyerno ang halos lahat ng aspeto ng lipunan. Sa totoong buhay naman ay makikita natin ang korapsyon sa ating gobyerno dito sa ating bansa. Isa rin sa gusto kong ipinakita ng nobela ay ang pagpapakita ng emosyon ng mga tauhan. Ang paborito ko namang parte ay noong nagtangkang magpakamatay si Oscar dahil nabigo siya kay Jenni. Kahit na nakita niya ang Golden Mongoose ay hindi niya itinigil ang pagtatangka sa sarili niyang buhay. Ito na lamang ang nasabi ni Yunior:
" Dude had been waiting his whole life for something just like this to happen to him, had always wanted to live in a world of magic and mystery, but instead of taking note of the vision and changing his ways the fuck just shook his swollen head."
Ipinakita sa parteng ito na tayong mga tao ay madaling kinakain ng ating mga emosyon. Tayo ay madaling nakapagdedesisyon kapag tayo ay galit o malungkot kahit na hindi natin pinag-isipang maigi ang ating mga ginagawa. Sa sitwasyon ni Oscar, nagpakita na sa kaniya ang itinuturing na tila Anghel de la Guardia ng kaniyang pamilya na nangangahulugan na hindi pa tapos ang kaniyang buhay at may maganda pang mangyayari. Ngunit kahit na nagpakita ito, ay nagdesisyon siyang tumalon. Sa ating mundo, kailangan ay maging bukas tayo sa lahat ng oportunidad na ating makakaharap. Ito ang magiging daan upang mas madali natin makontrol ang ating emosyon at maging gabay natin tungo sa kaligayahan. Dapat tayong maging positibo at tumingin sa mabubuting mga bagay na maaari pang mangyari sa atin.
Sa kabuuan, nagustuhan ko ang dalawang nobela sapagkat hindi lamang sila nagpapakita ng relasyon sa ating tunay na buhay, lalo na sa buhay pag-ibig, kundi nagpapakita rin sila ng aral sa atin sa kung paano natin isasabuhay ang mga ito at kung paano tayo mas magiging mabuting mamamayan.
No comments:
Post a Comment